ANG DIWATA NG ILOG-PASIG
Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
May awitin na hindi mawawala sa alaala ng mga Tagalog sapagka’t ang magandang himig at titik ay nakahuhumaling, at ang pag-iibigan ng taong-bayan at ng Ilog-Pasig ay hindi magmamaliw.
Kung gabing ang buwan
sa langit ay nakadungaw;
Tila ginigising ng habagat
sa kanyang pagtulog sa tubig;
Ang isang larawang puti at busilak,
Na lugay ang buhok na animo'y agos;
Ito ang Mutya ng Pasig,
Ito ang Mutya ng Pasig.
Sa kanyang pagsiklot a maputing bula,
Kasabay ang awit, asabay ang tula;
Dati akong Paraluman,
Sa Kaharian ng pag-ibig,
Ang pag-ibig nang mamatay,
Naglaho rin ang kaharian.
Ang lakas ko ay nalipat,
Sa puso't dibdib ng lahat;
Kung nais ninyong akoy mabuhay,
Pag-ibig ko'y inyong ibigay.
(MUTYA NG PASIG,
Music by Nicanor Abelardo,
Lyrics by Deogracias del Rosario,
http://www.youtube.com/watch?v=wF6-i-ROnXU)
Ang Ilog-Pasig ay tila asuling ahas na mahinahong gumagapang, “buhay” na likha ng Katalagahan; tabang at maligamgam na tubig sa pagmumula sa Look ng Laguna at nagiging malamig at maalat pagsasanib sa tubig-dagat ng Look ng Maynila. Sa paglalakbay nito ay sumasagi ang kasariwaan sa mga tuyot na pampangin ng maraming nayon.
Sa Ilog-Pasig nagkakaroon ng kabuhayan ang mga taga-nayon, at ganoon din ang mga taga-lungsod. Ang Ilog-Pasig ang tampisawan at paliguan sa madaling araw ng mga nag-gagandahang dilag na sa oras na iyon ay maaari pang ikubli sa kadiliman ang kanilang pagpapasariwa sa katawan. Sa bandang tanghali naman ay sa Ilog-Pasig naglalaba ng damit ang mga maybahay, sa pook na batuhin, na maaaring gamitan ng palu-palo ang mga damit. Ito rin ang lagusan ng mga maginoo ng bukid at mga mangingisda na naghahangad na mabilis na marating ang bukid o dagat.
Sa Ilog-Pasig naglalaro ang mga bata. Sa tuwing Tag-init, dito lumulundag ang mga nagmumurang binata, matapos na maisagawa ng arbolaryo ang pagpapatunay sa kanilang pagka-lalaki. Tuwing Mayo, dito dumaraan ang prusisyon ng mga kasko at lunday na ang sakay ay mga peregrinos a papuntang Antipolo upang doon ay magbigay dangal sa Birhen ng Kapayapaan at atiwasay na Paglalakbay. (Ang Birhen na maitim ang kulay, sinasabing dinala sa ilipinas ng isang galyon na nagmula sa Mehico. Dumaan ang galyon sa isang napakalakas na bagyo nguni’t hindi nasalanta ang mga sakay at matiwasay na nakarating sa pampangin ng Maynila. Ang pagkakaligtas ng mg biyahero ay ipinalalagay na bunga ng pagtangkilik ng Birhen.)
Ang Ilog-Pasig ang daanan ng kalakal – dito namamangka ang mga negosyante na inihahatid ang kanilang kalakal sa iba’t ibang panig ng malaking lalawigan na kung tawagin noon ay Montalban; kabilang na dito ang mga Intsik at Bombay na matagumpay sa ikinabubuhay nila. Sila’y nagtatamasa ng mabuting pagtatangkilik ng mga taong-bayan at sanhi nito ay itinuring nang bayan na rin nila ang Bayan na Nasa Biyaya ng Ilog-Pasig. Nagdadala sila mula sa Tsina ng mga pinggang porselana, mga alahas na yari sa mga pambihirang bato, at sari-saring gamot na galing sa mga halaman; at mula sa Bombay ay inilalako ang payong, mga telang pangbestida o pang-barong Tagalog, at mga pabango.
Isa si Don Ramon sa maraming nabubuhay sa pagtataguyod ng Ilog-Pasig. Siya ang may malaking bahay na bato sa tuktok ng isang burol sa may bunganga ng Ilog, sa dako ng Taytay. Tanyag ang kahusayan ni Don Ramon sa pangangalakal. Mula sa Maynila ay nagdadala siya ng mga tela at balat. Sa Taytay ay pinangangasiwaan niya ang isang malaking patahian at burdahan ng mga bestida, alampay, panyolito at belo. Doon tinatahi ang mga tela hanggang sa ito ay maging kasuotang pambabae, panglalaki, o pambata man. Sa isa pang pagawaan ay doon naman ginagawang sapatos at tsinelas ang mga balat ng baka at kalabaw. Mula sa Taytay ay nagdadala si Don Ramon ng mga nayari nang damit at sapatos, bukod pa sa mga bakyang yari sa kahoy at sari-saring punung-kahoy at kalamay na gawa sa bigas o kasaba at ang mga ito’y ibinabagsak sa Maynila.
Nakaririwasa si Don Ramon at iginagalang ng madla. Maraming nakakikilala sa kasko niya na sa tuwing daraan ito sa Ilog-Pasig ay kumakaway ng pagbati sa kanya ang mga taong nasa pampang.
May anak na dalaga si Don Ramon na nagngangalang, Clarita. Nang bata pa ay laging kasama sa kasko ni Don Ramon si Clarita sapagka’t inihahatid siya sa isang kolehiyo ng mga madre sa may Quiapo. Nakikita siyang naglalaro sa kasko habang ito ay mabagal na umuusad sa tubig. Nakamasid sa kanya nang palagian ang ama at ang inang si, Donya Josefa, at pati na ang isang yaya na laging puti ang suot na bestida.
Naging dalaga na si Clarita at nagpatuloy ang pagsama niya sa kasko sapagka’t patuloy din ang kanyang pag-aaral sa Maynila. Kagila-gilalas ang gandi ni Clarita. Nag-aagaw itim at puti ang kanyang kutis, palibhasa ay may halong Kastila ang dugo ni Don Ramon. Si Donya Josefa naman ay likas na taga-Cainta, may kaitiman ang balat at kulutin ang buhok. Nakuha ni Clarita sa ama ang makikinang na mga mata, ang ilong na matangos at ang pisnging tila porselana sa kakinisan. Sa ina galing ang nag-aagaw itim na kulay ng balat, ang kuluting buhok at ang kaakit-akit na hugis ng katawan.
Matalino si Clarita, isa siya sa pangunahing kolehiyala ng La Concordia. Mahilig siya sa musika; mahilig sa kanta at nag-mamay-ari ng isang tinig na animo’y tinig ng anghel. Isang pambihirang hiyas si Clarita! Dangal at ligaya ng kanyang mga magulang. Kaligayahan ng mga kasambahay at mga kawani ng kanyang ama sa pagawaan. Adhika ng mga lalaking nakasisilay sa kanyang ganda habang dumaraan ang kasko, habang nakaupo siyang tila prinsesa sa kanyang luklukan sa loob ng malaking kasko.
Lingid sa kaalaman ng mga magulang niya, si Clarita pala ay umiibig sa isang lalaking ka-edad niya at taga-Maynila. Nagkilala sila sa La Concordia, minsang nagkaroon ng paligsahan sa pag-awit. Si Ruben, mahusay sa pagtugtog ng gitara, ang nag-akompanya kay Clarita. Bukod dito ay sunud-sunod ang mga pagtatanghal ng mga palatuntunang pang-musika sa auditorium ng kolehiyo. Napalapit ang kanilang mga damdamin sa dahilang kapuwa sila mahilig at magaling sa musika. Ang malimit na pagkikita upang mag-ensayo ay nauwi sa pagkakaibigang umusbong sa isang tunay na pag-ibig.
Ito ang unang pag-ibig na naranasan ng dalawang nilalang na maituturing na wala pang malay sa mga kaparaanan sa Mundo ni Kupido, pag-iibigang inililihim, ikinukubli sa madla; nguni’t sa katotohanan, ay inilalantad ng kanilang di maitagong kaligayan, sigla at pananabik. Sa pagitan ng pag-eensayo, ang mga musikero ay nagkakaroon ng maiikling panahon upang makapagpahinga. Ang dalawa’y nauupo sa isang sulok ng bulwagan at nagbubulungan at naghahagikhikan -nalilibang sa mga kuwentuhan at mumunting lihim ng mga batang umiibig.
Samantalang ang La Concordia ay paaralang natatangi sa mga babae, ang Letran, na pinapasukan ni Ruben ay natatanging pang-lalaki lamang. Ang kapuwa eskwela ay pinamamahalaan ng mga madre at pari. Pinagbabawal nila na ang mga estudyanteng babae at lalaki ay magkasama habang sila’y nasa loob ng paaralan, maliban na lamang kung may mga proyekto o palatuntunan gaya ng kinabibilangan nina Clarita at Ruben na may kinalaman sa pagtatanghal ng galing sa musika.
Bagama’t bawal ang magkita ang babae at lalaki sa loob ng eskwela ay nakahahanap ng paraan ang dalawa upang sila ay magkaroon ng kahi’t na maiigsing panahon ng pagkakadaupang-palad. Malimit silang nagtatagpo sa ibaba ng burol sa likod ng eskwela na kung saan may lilim ang isang malaking punong mangga.
Nagdadala si Clarita ng mga kakaning galing sa Binangonan – puto
o kalamay na may latik. At si Ruben naman ay may baong kanin at ulam na luto ng
kanyang ina. At sila’y nagsasalo ng pananghalian sa lilim ng punong mangga. Pagkakain ay mamamahinga ang dalawa, hihiga sa damuhan na magkahawak ang mga kamay, at panonoorin ang mga mapuputing ulap na lumulutang sa kalangitan.
Minsan ay may dala-dalang alaala si Clarita para kay Ruben na isang umuusbong pa lamang na tanim na sampaguita na ipinunla sa isang maliit na paso. “Ruben,”sabi niya, “ito ang paborito kong bulaklak. Itanim mo sa inyong bakuran at palaguin. Masisiyahan ka sa kanyang halimuyak at sa tuwing makikita mo ito at malalanghap ang bango ay maaalala mo ako.”
Nagpapalitan ng alaala ang dalawa, bukod pa sa mga liham ng pag-iibig na sa kanilang pag-iisa ay masususing binabasa at ninamnam ang nilalamang masasarap na pangungusap ng pag-ibig. Minsan ay isinabit ni Ruben sa leeg ni Clarita ang isang kuwintas na yari sa ginto na may nakasabit na kurus. “Clarita, ang kuwintas ay gawa ng aking amang mag-aalahas. Alam niyang iyan ay iaalay ko sa iyo kung kaya’t pinag-ukulan niya ang paggawa niyan ng may naiibang pagsisikap. Iya’y may bendita rin ni Padre Jose at iyong magiging kaligtasan kung hahantong ka sa ano mang panganib.” pahayag ni Ruben na lipos ng pagmamahal.
Di pa nakatikim ang dalawa ng kaligayahan at kasiglahan na maidudulot lamang ng unang pag-ibig. Ang bawa’t araw ng pagkikita ay pinananabikan; at bawa’t araw na liliipas ay kinikipkip sa isipan na tila kalipunan ng mga mamahaling hiyas.
Gawi ng magkaibigan na maglakad mula sa eskwela patungo sa daungan ng mga kasko sa may simbahan ng Quiapo, kapag papauwi na si Clarita. Bagama’t sila’y nagkikita nang halos araw-araw, ang tuwing pagpapaalaman sa hapon, ay lipos ng kalungkutan at pananabakik sa muling pagkikita.
“Maghihintay ako sa iyo bukas, Clarita. Mabuting paglalakbay pauwi, matulog ka nang mahimbing; magkikita tayo sa ating panaginip,” masayang pamamaalam ng binata. At hinihinntay niyang makasakay sa kasko ng ama ang pinipintuhong paraluman at hindi tumitinag sa kinatatayuan hanggang sa magsimulang lumakad ang kasko.
Bukod kay Ruben ay may iba pang mga binata ang naghahangad sa pansin man lamang ng magandang dilag. Katulad nina Joselito at Mariano.
Si Joselito ay kompositor at mahusay sa pagtugtog ng piyano. Ang kanyang tahanan ay nakatayo sa may pampang ng Ilog-Pasig sa dako ng Buwayang-Bato. Mula sa kanyang durungawan ay natatanaw ni Joselito ang Ilog at ang mga bangka at kasko na nagsisidaan doon. Lagi niyang inaasam-asam na matunghan ang kasko ni Don Ramon at ang magandang nilalang na nakasakay doon. Umiibig siya kay Clarita bagama’t hindi siya nakikilala nito.
Sa kabilang dako ng pampang sa may Pandakan ay doon naman naninirahan si Mariano, manunugtog ng biyolin at isang dalubhasa sa mga halaman. Ang kanyang bakuran ay punung-puno ng mga magagandang halaman at bulaklaking tanim, katulad ng rosas, gumamela, at sampaguita. Mula sa Ilog ay matatanaw ang “bakod ng bulaklak” na pumapaligid sa lupa ni Mariano.
Nagpapaligsahan ang dalawang alagad ng sining sa pagtawag ng pansin ni Clarita.
Sa tuwing daraan sa Ilog-Pasig ang kasko ni Don Ramon na sakay ang magandang binibini ay nagpapakitang gilas si Joselito at si Mariano. Sa dako ng Ilog-Pasig sa may lupa ni Joselito ay maririning ang napakatamis na himig ng sonata na nagmumula sa mga teklada ng piyano at malalantik na daliri ng mahusay na piyanista.
Sa kabilang dako ng ilog, sa may lupa ni Mariano, ay kahanga-hanga ang masayang himig ng isang allegro na nanggagaling sa biyolin ng binata. Makikita siya sa may pampang ng ilog na pina-aawit ang kanyang biyolin habang ang katawan ay sumasayaw sa kunday ng musika.
Minsang dumaan ang kasko sa gabi ay nagpakawala si Joselito ng
dalawampung kalapating may turo at ang mga kalapati’y naglaglag ng mga bulaklak nang pangibabawan ang kasko. Ang ginawa naman ni Mariano nang dumaan ang kasko sa harapan ng kanyang lupa ay nagpalutang sa tubig ng limampung maliliit na bangkang lata na may kandilang nakailaw ang bawa’t isa, na sa paningin ay animong isang pulutong ng alitaptap na kumukutitap sa dilim.
Nagpaligsahan din ang dalawa sa pagpapadla sa bahay na bato ni Don Ramon ng mga tula, liham, bulaklak, prutas, pagkain, mamahaling tela, at kahi't na maliit na hiyas - alay na lahat kay Clarita.
“Nababaliw ang mga lalaking ito!” hindi mapigilan ni Don Ramon
ang magalit. “Kailan sila titigil sa paglabag sa ating katahimikan? Hindi ba
nila alam na apatnapung araw nang wala si Clarita?” sabi pa niya sa asawa. (May paniniwala ang mga Pilipino na ang kaluluwa ng taong namamatay ay nananatili sa lupa hanggang sa ika-apatnapung araw; na pagdating ng panahong iyon ay saka lamang lumilisan ito patungo sa “walang hanggan”.)
Pangarap ni Clarita na siya’y maging guro sa musika at nang maturuan niya ang mga bata sa Taytay at Binangonan na umawit o tumugtog ng alin mang instrumento ng musika. Ang ama at ina naman ay nangangarap na si Clarita ang magmamana sa bahay na bato at sa negosyo nila, ang makapagpapatuloy sa pagtatangkilik ng mga kawani at sa pagpapaunlad ng kanilang kalakal.
Nabuwag ang lahat ng pangarap na nasabi na tila baga gumuhong
kastilyong-buhangin. Isang gabi ay nagkalagnat si Clarita nang napakataas na grado at pagsapit ng umaga ay wala nang buhay ang hinagangaan ng balana. Iba-iba ang naging kuru-kuro ng mga nakaalam sa pagkamatay ni Clarita. May nakakagat daw na lamok kay Clarita at siya’y dinapuan ng malarya. Nakainom daw siya ng tubig na hindi kalinisan ang uri at kumalat ang mikrobyo sa kanyang katawan. Natuyuan daw ng pawis sa likod at nagkaroon ng pulmonya. Maging ano man ang dahilan ay di na inibig ni Don Ramon na malaman pa. Wala nang magagawa ang ganoong pagtitiyak; di na maibabalik ang buhay ng kanyang pinakamamahal na anak.
Araw-araw ay naghihintay sa may tulay ang lalaking wagas ang pag-ibig kay Clarita. Sa tuwing dadaan ang kasko ay nakikita nina Joselito at Mariano si Clarita at ipinatutungkol sa dilag ang sari-saring handog, mapansin lamang sila. Datapuwa’t sino ang nakikita nilang nakaupo sa kanyang silyon sa kasko na nakasuot ng puting damit na manipis ang kayo at sa panahong umiihip ang hangin ay nakikita nilang nililipad ng hangin ang kanyang nakalugay na buhok? Gayong, wala na si Clarita sa mundong ito, at ang tanging naiwan niya ay ang alaala ng Diwata ng Pasig.
Killjoy si Al Saymer
Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Ang pitumpu’t pitong taong gulang na matandang lalaki ay masayang nagbihis, pagkatapos ay naupo sa kanyang kotse at pinaandar ang sasakyan papunta sa Dodgers Stadium.
Nag-iisa na lamang na namumuhay si Alberto. Ipinagpatuloy niya ang paninirahan sa kanyang bahay sa siyudad ng Los Angeles kahi’t na wala na ang asawa, sumakabilang-buhay na siya. Iyon ang kanyang naging tahanan mula’t sapul pa nang kakakasal pa lamang niya sa asawa, humigit-kumulang na mga apatnapu’t limang taon na ang nakalilipas.
May isa siyang anak na lalaki na bihira na niyang makita. Siya’y sa East Coast naninirahan at abala sa trabaho at sa pag-aasikaso sa kanyang sariling familia. Kung masusunod ang anak, ang makabubuti ay manirahan ang ama sa isang retirement home, at nang siya ay may makakasamang ibang tao. Doon ay may mga caregivers na titingin sa kanyang pangangailangan. Nguni’t ang ibig ni Alberto ay mamuhay nang malaya at batay sa kanyang paniniwalang kaya niyang magsarili.
Malusog ang pangangatawan ni Alberto. Nakapagmamaneho pa nga siya. Nguni’t siya’y malilimutin na.
Noong buhay pa ang asawa, malimit na nababahala ang asawa sapagka’t maraming nalilimutan si Alberto.
Nalilimutang mag-flush ng toilet pagkagamit nito. Nalilimutang patayin ang apoy sa stove kahi’t na natuyo na ang pinakukulong tubig para sa kape.
Minsan ay paalis si Alberto. Lumabas na ng bahay. Wala pang tatlong minuto ay bumalik – nalimutan daw niya ang kanyang susi ng awto. Pinulot ang susi at lumabas na muli. Maya-maya ay bumalik na naman. Nalimutan daw niya ang salamin sa mata.
Hindi naman sila masyadong nagkakaiba ng asawa. Ang asawa ay malilimutin din. Ang pagiging malilimutin ay kapuwa nila itinuring na bahagi ng pagtanda, natural lamang na mangyari, at di maiiwasan.
Malimit ay sinasabi ng babae – “Ay, Alberto, kung hindi nakakabit iyang sa iyo, malamang ay malilimutan mo rin kung saan mo inilagay.”
Abogado si Alberto noong araw, bago siya mag-retire. Matalas ang kanyang isip at mahusay siya sa pagsasalita at pagpapaliwanag. Karamihan ng kaso niya sa korte ay panalo.
Kamakailan ay nagwagi ng premyo si Alberto sa pa-contest ng isang radio station. Ang lucky caller ay magwawagi ng libreng ticket sa isang Dodgers baseball game. May dagdag pa na free dinner for two and hotel accommodation sa Hotel Bounaventure. Pipili ang radio station ng isa pang winner na makaka-date ng lucky caller sa dinner at sa pagkakaroon ng aliw sa gabing nabanggit.
Sapagka’t si Alberto ay isa nang balo, walang masama na siya ay makakilala at makipagkita sa isang babae.
Di nakikita ni Alberto ang kanyang magiging ka-date, nguni’t batay sa paglalarawan ng radio announcer, ang magiging ka-date ay bata at maganda.
Siya si Tara, tatlumpu’t walong taong gulang, isang dibursiyada, real estate ang profesion, maganda, at mahilig sa baseball.
Sabi ng radio announcer: “Hey, Alberto, aren’t you a very lucky man. This lady on the phone, who will be your date on baseball night, described herself as voluptuous. Are you excited?”
Sagot ni Alberto, “Well, who wouldn’t be? I’m a fun person, she's a fun person. We’ll see what happens.”
Sabi naman ni Tara, “Alberto, you sound like a very interesting man. I’m excited to meet you at the baseball game and the dinner date.”
Nagmamaneho ang matandang lalaki ng kanyang awto patungo sa Dodgers Stadium. Sinundan niya ang direksyon papunta sa Freeway I-5. Sumampa siya sa freeway at sinundan ang lane papunta sa nasabing lugar. Marami nang beses na siya ay nakapunta sa Dodgers upang manood ng baseball. Kabisado niya ang daan papunta doon.
Karaniwan ay makinis ang kalsada at mabilis ang daloy ng traffic sa freeway. Noong oras na iyon, biglang naging baku-bako ang daan. May nagaganap na road construction. Hindi inaasahan ni Alberto na madaraanan niya ang isang road construction. May mga cones o harang sa daan kung kaya’t kinailangang bumago siya ng lane. Mabilis pa rin ang takbo ng awto niya at ng ibang awto. Hinihintay niya na magpakita ang sign na ibinabalita ang exit patungo sa Dodgers Stadium. Walang sign na lumilitaw. Alam niya na malayo na siya. Lagpas na sa Dodgers exit. Nguni’t kinailangang sumunod siya sa daloy ng traffic.
Sa kasusunod sa lane ay napunta siya sa isang pasikip na pasikip na daan. Bumagal ang takbo ng traffic. Maya-maya ay napunta na siya sa loob ng isang palengke, katulad ng mga palengke sa Mexico at sa Filipinas. Maraming taong nagtitinda at taong namimili na nakahambalang sa daan. Binagalan niya ang paandar sa awto at ang ibig na lamang niyang gawin ay humanap ng mahihintuan at nang makapagtanong kung nasasaan na ba siya.
May nakita siyang mahihintuan. Huminto siya at bumaba sa awto. Tila siya nalilito at kinakabahan. Umupo siya sa isang upuang bakal na nasa gilid ng daan.
Umupo siya roon nang kung ilang minuto na tila nakatingin sa malayo at wala sa sarili.
Maya-maya ay may lumapit na babae na nagtanong, “Mama, kailangan ba ninyo ng tulong?”
“Oo, sabi ng matandang lalaki.
“Naliligaw ako.”
“Saan kayo papunta?”
“Di ko matandaan.”
“Ano pong pangalan ninyo.”
“Hindi ko matandaan.”
Samantala sa pinag-usapan nilang waiting area sa Dodgers Stadium ay naghintay at naghintay si Tara, hanggang sa magsimula na ang laro. Nang magsimula na ang baseball game ay pumasok na si Tara sa stadium na nag-iisa at nag-iisip kung bakit hindi dumating si Alberto.
Magpinsan
Ni Amado V. Hernandez
"Magandang araw po." Pamimintana ni Ligaya sa kanilang durungawan ay isang liham ang inihagis sa kanya ng tagahatid sulat na nagbigay ng "magandang araw." Marahan niyang ginupit ang isang dulo ng sobre, tiningnan, nangunot ang noo at saka napahalakhak ng malakas.
"Ha, ha, ha. Nasisira yata ang ulo ni Nestor!" ang nasabing tatawa-tawa.
Ang totoo ay hindi sukat akalain ni Ligayang makapangangahas si Nestor na magpapahayag sa kanya ng pag-ibig. Silang dalawa ay magpinsan. Makipagsintahan siya kay Nestor ay walang salang magiging bukang-bibig ng madla na sila ang magpinsang "nagpipisan." Kay laking kahihiyan, marahil! At saka si Nestor, ayon sa kanya, ay hindi pa naman tunay na binata kundi bago pa lamang nagbibinata. Kailan lamang ay nakaputot na salawal at ni hindi makuhang ayusin ang buhok. Noon lamang mga nakararaang taon ay lagi silang magkasama sa paglalaro. Madalas pa siyang ipinamimitas ni Nestor ng sari-saring bungang-kahoy sa kanilang bakuran na pagkatapos ay pinagsasalunan nilang dalawa. Kung tanghaling tapat ay madalas silang makagalitan tuloy ng kanyang ina dahil sa hindi nila makuhang matulog at nalilibang sa paglalaro ng sintak sa puno ng hagdan. Ganon na lamang ang sarap ng kanilang matalik na pagsasama na wala silang iniwan sa tunay na magkapatid. Kaya lamang sila nagkahiwalay ay nang ipasok na siya sa kolehiyo. Nagkaiyakan pa silang matagal dahil sa pangambang makalimot ang isa't-isa. Awang-awa siya kay Nestor.
Ngunit noo'y mga batang musmos pa lamang sila halos. Marami ng araw at taon ang nakalipas. Nang kanyang lisanin ang kolehiyo ay magdadalaga na siya. Sa dahon ng kanyang alaala ay malabo na ang titik ng panahon. Nagdaan ang masayang kabataan nila ni Nestor na hindi na niya ganoon nagugunita. Nang magkita sila ng kanyang pinsang binata, pagkaraan ng isang mahabang panahon ng pagkakahiwalay, ay nagkahiyaan sila, kung bakit, at hindi nakuhang magbatian. Si Nestor ay nasilaw sa kanyang kisig at ganda, samantalang siya naman ay nanibago kay Nestor. Binata na pala ito! Ang nasabi sa kanyang sarili. Buhat noon, kung sila'y magkasalubong ay tumutungo siya upang mailagan ang mata ng kanyang pinsang binata at si Nestor naman ay lumilihis ng daan dahil sa malaking pagkaumid at pag-aalang-alang sa kanyang pinsang dalaga.
Kaya ganoon na lamang ang panggilalas ni Ligaya ng tanggapin niya ang sulat ni Nestor.
"Marunong na palang lumigaw ang pilyong yaon," ang wika pang nakangiti.
Ipinalagay niyang si Nestor ay nahihibang. Dili kaya'y nagbibiro. Kaya hindi pinansin ang liham ng binata. Saka ang pag-ibig ay hindi pa rin naman nagigising sa kayang puso.
Pagkaraan ng mahigit na dalawang linggo ay nagsisi si Nestor kung bakit siya nakapagtapat pa kay Ligaya. Wala nga namang unang pagsisisi. Ngayon na lamang niya nakurong malayo siyang ibigin ng kanyang magandang pinsan. Si Ligaya ay tanyag na tanyag sa mga lipunan, mula ng lumabas sa kolehiyo, samantalang siya'y palad ng makadalo sa isang piging minsan sa isang buwan. Maraming maginoo at hombres de profesion na nangingibig kay Ligaya at siya'y isang estudyante pa lamang na pinakakain at pinaghihirapan ng kanyang ama. Isa nga naman palang kabaliwan ang kanyang pag-ibig. Lalong nag-ibayo ang kanyang pagkakimi sa harap ni Ligaya. Kung minsang sila'y nagkakatagpo sa isang sayawan o piging ay hindi niya magawang sumulyap man lamang sa mukha ng kanyang pinsang dalaga, habang yao'y ngingiti-ngiti at parang ikinasisiyang-loob ang makitang siya'y labis na nagugulumihanan.
Nguni't ano ang kanyang gagawin? Siya ay lalaki at lalaking may puso. Ang tibok ng puso ay makapangyarihan. At hindi maaaring pigilin, lalong mahirap at hindi mangyayaring limutin niya si Ligaya. Si Ligaya ay inibig na niya at minahal, sinundan-sundan ng paningin at pinintuho ng buong kaluluwa mula pa sa kanilang kabataaan. Ang isang bagay na naukit sa diwa at napunla sa puso sa panahon ng kamusmusan, ay hindi na malilimot at mamamatay sa habang panahon. Ang mga alaala ng ating kabataan ay siyang matamis sa lahat, sariwa sa lahat at mahal sa lahat. Talagang si Nestor ay hindi nakalimot kay Ligaya. Ewan nga lamang niya kung bakit naparam na sa isip ng dalagang yaon ang kanilang kahapong lipus sa kaningningan ng mga murang guni-guni at masamyo sa pabango ng kawalang-malay. Wala nang masakit na alalahanin na gaya ng mga alaalang nagbabalik sa gunam-gunam ni Nestor. Ngayon siya'y nasa gitna ng luha at lungkot.
Nang hindi nagtamo ng tugon ang ikalimang sulat ni Nestor kay Ligaya, ay niyari sa loob ng binata na hindi na siya muli pang susulat sa pinsang walang puso. Naisip niyang sayang lamang ang panahon at pagod nang magpakabaliw sa isang bagay na tila hindi matatamo. Ang pag-ibig ay may dalawang hanggahan: luwalhati at pagtitiis. Yamang sa pagtitiis siya itinalaga ng tadhana ay tila kabaitan ang sumang-ayon sa gunita ng palad. May araw ding mabibihis ang kanyang pagdurusa. Sadyang ang alin mang pangarap na mahalaga at dakila ay hindi natutupad sa iisang gabi. Kinakailangang maglamay at magpakasakit, magbata at lumuha.
Pinag-ibayo ni Nestor ang pagsisikap sa pag-aaral. Kung siya'y makatapos na ng karera, sa paano't paano man ay hindi na kahiya-hiyang mangibig kahit kanino. Ang titulo ay isang kalasag na malaki ang nagagawa. Kung wala mang paglingap si Ligaya sa kanya ngayon baka kung siya ay isang doktor na ay malamuyot din ang puso at mabagbag ang kalooban ng pinsang walang awa. Kaya nagsunog ng kilay si Nestor.
Samantalang si Ligaya ay patuloy sa kanyang pagkabulaklak ng lipunan. Kung sa bagay ay hindi naman siya katulad ng ibang dalagang pag natatanyag na sa gitna ng palalong sosyedad ay nagkakaroon ng marungis na batik ang iwing dangal at ang angking kabanguha'y napagsasamantalahan ng ilang mapagsamantala. Si Ligaya ay hindi gayon. Habang siya ay napapasa-itaas ay lalo siyang nagpapakalinis, lalong pinag-iibayo ang kanyang kababaang-loob, at katamisan ng ugali, lalong sinikap na siya'y maging karapat-dapat sa mata ng sambayanang nakapako sa kanyang mga kilos.
Pagkaraan pa ng tatlong mahahabang panahon ay nagtapos din si Nestor sa pagka-manggagamot. Isang batang-batang manggagamot na nginingitian ng pag-asa at pinatatapang ng lalong matatamis na pangarap. Datapwat kung ano ang tagumpay ngayon ni Nestor ay siya namang kabiguan ni Ligaya. Dahil sa malabis na pagpupuyat gabi-gabi sa kung saan-saang sayawang idinaraos ng gayo't ganitong samahan at kapisanan, bukod pa sa panonood ng mga dulaan at sine, ang murang katawan ni Ligaya ay hindi nakatagal. Siya'y lumura ng dugo at unti-unting nangayayat. Dahan-dahang nalanta ang rosas sa kanyang dalawang pisngi at naglamlam ang langit sa kanyang mata.
Nang mabalitaan ni Nestor ang kaawa-awang kalagayan ni Ligaya ay dali-daling inihandog ang kanyang tulong. Ang pinsang dalaga ay tumalima naman sa kanyang mga tagubilin. Ang buong panahon at pagsisikap ni Nestor ay inukol na lahat sa pagpapagaling ng karamdaman ng kanyang minamahal.
"Malulunasan mo pa kayo ako, Nestor?" ang tanong sa kanya minsan ng maysakit.
"Oo, gagaling ka, pagagalingin kita, aalagaan kita," ang masuyong sagot ni Nestor.
Isang matamlay na ngiti ang itinugon ng dalaga. May apat na buwan na si Ligaya sa kanyangcottage sa mataas na siyudad ng Baguio . Ang sariwa at malinis na simoy ng hangin, ang mabibiyaya at katangi-tanging singaw na nagmumula sa pusod ng mga bundok at ang mabuting paraan ng panggagamot ni Nestor ay siyang nagkatulong-tulong upang lubusang bumuti ang karamdaman ng paralumang maysakit. May dalawang buwan pa lamang si Ligaya sa itaas ng Baguio ay tumigil na ang paglura ng dugo, sumunod ang pagkapawi ng ubo sa gabi at sa umaga. Nanumbalik din ang dating mapulang kulay sa kanyang mukha at nanauli ang bulas ng kanyang katawan.
Isang malamig na gabing ang buwan ay parang nakabitin sa langit na mangasul-ngasul, si Nestor at si Ligaya ay mapayapang nangakaluklok sa dalawang silyon sa lilim ng mayayabong na puno ng isang puno.
"Salamat sa iyo, Nestor," anang binibiro, "utang ko sa iyo ang aking buhay. Ano kaya ang maibabayad ko sa iyong kagandahang-loob?"
"Ligaya," anang binata naman. "Pinagaling ko ang iyong sakit sa tulong ng Maykapal. Datapuwa't ang karamdaman ko ay hindi mo pa nalulunasan hanggang ngayon."
"Anong karamdaman mo?"
"Ang karamdaman ng aking puso."
" Aba , si Nestor, hindi mo pa ba nalilimot ang bagay na iyan?"
"Kailan man ay hindi! Ang aking pag-ibig ay malala kaysa dati, Ligaya, lalong malubha."
"Ano ang sasabihin sa atin ng tao? Magpinsan tayo'y..."
"Sa pagsinta ay walang magpinsan, " ang putol ni Nestor. "Lalong mabuti sapagka't iisa ang dugong nananalaytay sa ating mga ugat, iisa ang ating damdamin, iisa ang ating puso. At bakit natin pakikinggan ang sasabihin ng tao? Ang dila ng tao'y talagang makasalanan at hindi marunong humatol. Alalahanin mo ang ating kabataan, ang pagmamahalan natin noong tayo'y mga batang musmos. Hindi ka ba nanghihinayang sa lahat ng yaon kung ikaw o ako, ngayong kita'y may gulang nang ganap, ay mapasaibang kamay at mapasaibang dibdib?"
"Ngunit".
"Huwag ka ng magdahilan, Ligaya. Sabihin mo na sa aking ako'y minamahal mo. Ang laman ng iyong puso ay nakasulat sa iyong mga mata, kaya huwag mo na sanang susian ang iyong bibig.
Hindi na nakuhang magmatuwid ni Ligaya. Ang katotohanan ay matagal na rin siyang umiibig nang lihim kay Nestor at malaon na ring nanariwa sa kanyang puso ang matamis na alaala ng kanilang kabataang yumao.
Bago sila naghiwalay ng gabing yaon ay pinabaunan muna niya si Nestor ng isang matamis na halik at inabutan ng isang bulaklak ng everlasting.
"Hayan ang aking pag-ibig."
"Pag-aralan mo sanang mahalin."
Nabalitaan na lamang ng lahat sa kahanga-hangang siyudad na rin ng malamig na Baguio idinaos ang luna de miel ni Ligaya at ni Nestor.
Saranggola
Ni Efren R. Abueg
Rading, Paquito, Nelson… pakinggan ninyo ang kwentong ito. May isang lalaki, walong taong gulang. Humiling siya sa kanyang ama ng isang guryon.
“Anak, ibibili kita ng kawayan at papel. Gumawa ka na lamang ng saranggola,” wika ng ama.
“Hindi ako marunong, Tatay,” anang batang lalaki.
“Madali ‘yan. Tuturuan kita,” sabi ng ama at tinapik sa balikat ang anak.
Bumili nga ito ng papel at kawayan at tinuruang gumawa ng saranggola ang anak.
“Tatay… ibili mo ako ng guryon,” sabi uli ng bata sa ama.
“Anak, pag-aralan mo na lamang mapalipad ang saranggola nang mataas. Madadaig mo ang taas at tagal ng lipad ng guryon!”
Nainis ang bata sa kanyang ama.
“Kinakantyawan ako sa bukid, Tatay,” anang bata. “Anak daw ako ng may-ari ng kaisa-isang istasyon ng gasolina sa bayan… bakit daw kay liit ng saranggola ko!”
Nagtawa ang ama at tinapik na naman sa balikat ang anak.
Tinuruan nga ng ama ang bata ng higit na mataas na pagpapalipad ng saranggola, pati na ang pagpapatagal niyon sa kalawakan. Nalagpasan nga ng saranggola niya ang ilang guryon. Ang iba namang guryon na lumipad nang pagkataas-taas ay nalagutan ng tali at nagsibagsak, bali-bali ang mga tadyang, wasak-wasak.
Minsan sa pagpapataas ng lipad ng kanyang saranggola, napatid ang tali niyon. Umalagwa ang saranggola. Hinabol nilang mag-ama iyon at nakita nilang nakasampid sa isang balag.
“Tingnan mo…hindi nasira,” nagmamalaking wika ng ama. “Kung guryon ‘yan, nawasak na dahil sa laki. Kaya tandaan mo, ang taas at tagal ng pagpapalipad ng saranggola ay nasa husay, ingat at tiyaga. Ang malaki ay madali ngang tumaas, pero kapag nasa itaas na, mahirap patagalin doon at kung bumagsak, laging nawawasak.”
Nakalimutan na ng batang iyon ang tungkol sa saranggola nang maging katorse anyos siya. May iba na siyang hilig; damit, sapatos, malaking baon sa eskwela, pagsama-sama sa mga kaibigan.
“Anak… dalawang sapatos lamang ang gagamitin mo sa pasukang ito. Kung masira, saka na papalitan. Magtitipid ka rin sa damit at huwag kang gasta nang gasta. Hindi madaling kitain ang salapi,” pagunita ng kanyang ama.
“Kawawa nga ako, Tatay,” katwiran ng bata. “Anak ako ng tanging may-ari ng istasyon ng gasoline at machine shop sa bayan natin, pero ang itsura ko… parang anak ng pobre.”
“Disente ka naman, a. Malinis ang damit mo, husto ka sa mga gamit sa eskwela at husto ka rin sa pagkain. Hindi dapat sobra sa mga pangangailangan ang isang kabataang tulad mo. Hindi natututuhan ang pagtitipid.”
Hindi naunawaan ng bata ang paliwanag ng ama at nagkaroon siya ng hinanakit dito. Tinipid siya sa lahat ng bagay, hinigpitan sa pagsama-sama sa mga kabarkada at madalas, pinatatao sa istasyon ng gasolina at pinatutulong sa machine shop kung araw na walang klase.
“Pinahihirapan talaga ako ng Tatay,” puno ng hinanakit ang tinig na pagsusumbong ng bata sa ina. “Kaisa-isa pa naman akong anak, ang turing niya sa akin… parang ampon!”
“Hindi totoo ang sinabi mo, anak,” malumanay na sansala ng kanyang ina sa paghihinanakit niya sa ama. Alam mo mataas ang pangarap niya para sa iyo.”
“Bakit? Ano ang gusto niya para sa akin?”
“Ibig niyang maging mahusay kang inhinyero.”
Hindi na kumibo ang bata at hindi rin napawi ang hinanakit niya sa ama. Gayunman, hindi siya makapaghimagsik dito. Iginagalang niya ito at pati ang kanyang ina.
Nang labingwalo na siya napagkaisahan ng kanyang mga barkada na kumuha sila ng commerce.
“Mabuti ‘yon. Magsama-sama tayo sa isang unibersidad,” mungkahi ng isa sa limang magkakaibigan.
Pumayag siya. Ngunit nang kausapin niya ang ama, tumutol ito.
“Inoobserbahan kita, anak. Hindi mo hilig ang commerce. Palagay ko mechanical engineering ang bagay sa iyo. Tanungin mo ang iyong ina.”
Masama man ang loob, sumangguni pa rin siya sa ina.
“Hindi sa kinakampihan ko ang iyong ama, anak. Pero sa tingin ko….engineering nga ang bagay sa iyo. May machine shop tayo…sino ba ang magmamana niyon kundi ikaw?”
Nasunod ang kanyang ama at napilitan siyang tumiwalag sa kanyang barkada. Napag-isa siya sa pag-aaral sa lunsod at ngayong binata na siya, hindi na hinanakit kundi paghihimagsik sa ama ang kanyang nadarama.
“Ayoko nang mag-aral, Inay,” sabi niya sa kanyang ina nang dalawin siya nito sa dormitoryo. “Tipid, pagtitiis, kahihiyan lamang ang dinaranas ko rito. Bakit ako ginaganoon ni Itay? Gusto ba niya akong pahirapan?”
Pinayapa ng kanyang ina ang kanyang kalooban.
“Magtiwala ka sa amin, anak. Wala kaming gagawin ng iyong ama kundi makabubuti sa iyong hinaharap.”
“Makabubuti ba sa akin ang magmukhang basahan at magdildil ng asin?”
“Makabubuting matuto kang magtiis. Pagkatapos mo naman ng pag-aaral at magtagumpay ka sa hanapbuhay, magiging magaan sa iyo ang lahat.”
“Bakit kailangan ko pang magtagumpay? Hindi ba’t ipamamana ninyo sa akin ni Itay ang ating kabuhayan?”
“Totoo iyan, anak…pero paano mo mapauunlad ang ating kabuhayan kung hindi mo alam ang mga hirap sa pagtatayo niyan?”
Hindi maintindihan ng binata ang sinabi ng kanyang ina, subalit naisip niyang makapagtitiis pa siya. Isinubsob na lamang niya ang ulo sa pag-aaral.
Nakatapos naman ng inhinyerya ang binata. Hindi siya pangunahin sa klase, ngunit sa pagsusulit sa gobyerno, nakabilang siya sa nangungunang unang dalawampu.
“Ngayon anak…bibigyan kita ng limampung libong piso. Gamitin mo sa paghahanapbuhay,” sabi ng kanyang ama nang makuha na niya ang lisensiya bilang mechanical engineer.
Namangha siya.
“Akala ko…ako na ang hahawak ng ating machine shop pagkatapos ko ng pag-aaral,” nawika niya sa ama.
“Bata pa ako, anak. Kaya ko pang mag-asikaso ng hanapbuhay na iyan. Saka ibig ko, magpundar ka ng sariling negosyo.”
“Bakit pa, Itay? Mayroon na tayong negosyo.”
“Mabuti na ‘yong makatindig ka sa sarili mong mga paa.”
Tinanggap niya ang halagang ipinagkaloob ng ama. Humiwalay na rin siya ng tirahan sa mga magulang.
“Alam kong malaki ang hinanakit mo sa iyong ama. Gayunman, ibig kong isaisip mong, ang kinabukasan mo ang lagi niyang inaalala.”
Ngunit may lason na sa kanyang isip. Hindi na siya nanininwala sa sinabi ng kanyang ina. Naging lubos ang paghihimagsik niya sa kanyang ama.
Nagtayo siya ng isang machine shop sa dulo ng kanilang bayan. Agad-agad siyang pinagsadya ng kanyang ama.
“Bakit hindi pa sa ikatlong bayan ka nagtayo ng machine shop? Magkukumpetensiya pa tayo rito.”
“Akala ko ba’y bahala na ako sa buhay ko, Itay?”
Natigilan ang kanyang ama. Saka napapailing, nag-iwan pa ito ng salita bago lumisan.
“Kung sa bagay…mabuting magturo ang karanasan!”
May isang taon ding nagtiyaga ang binata sa pamamahala ng kanyang maliit na machine shop sa dulong bayan. Kakaunti ang kanyang parokyano dahil higit na malaki ang machine shop ng kanyang ama at mahusay ang mga tauhan nito. Nagkautang tuloy siya ng labindalawang libo sa mga kinukunan niya ng materyales. Nang hindi siya makabayad, inilit ang mga makinang kanyang ginagamit.
“Nabigyan na kita ng pang-umpisang puhunan. Hindi ka sumunod sa mungkahi ko na umiwas sa kumpetisyon. Subukin mo namang maghanap ng puhunan sa sarili mong pagsisikap.”
Noon nagsiklab ang binata. Nakalimutan niya ang paggalang sa mga magulang. Dumabog siya sa harap ng ama.
“Ano kayong klaseng ama? Bakit ninyo natitiis ang inyong anak? Kasiyahan ba ninyong makitang nahihirapan ako?”
“Ibig kong matutuhan mo ang lahat ng nangyayari sa buhay na ito. Hindi madali ang mabuhay sa mundo, anak.”
“Hindi ba kaya may mga magulang ay para gumaan ang buhay ng mga anak?”
“Ang ikagagaan ng buhay ng mga anak ay wala sa mga magulang kundi nasa mga itinuturo nila sa mga ito.”
Nagkahiwalay ng landas ang mag-ama. Naglayas ang binata nang hindi man lamang nagpaalam kahit sa ina. Nagpalipat-lipat sa kung saan-saang trabaho hanggang pagkaraan ng limang taon, nakaipon siya ng sampung libong piso at nakabili ng maliit na machine shop. Kumuntrata siya ng paggawa ng tambutso sa isang auto assembler at kumita siya nang malaki. Sa loob ng tatlong taon, gumawa na rin ang machine shop niya ng mga partes ng kotse.
Ang dugo ay dugo, anang kasabihan, kaya dinadalaw ang lalaki ng kanyang may edad nang ina. Isang araw, dumating ito sa kanilang bahay, gaya ng dati may pasalubong sa tatlong apong lalaki.
“Ibig ng Itay mong makita ang kanyang mga apo, pero hindi siya makadalaw dahil sa hinanakit mo,” sabi ng kanyang ina.
“Kinalimutan ko na, Inay, na nagakaroon ako ng ama!”
Umiyak ang kanyang ina.
“Kung gayon… baka hindi na kayo magkita, anak!” nawika nito bago umalis.
Sa tindi ng hinanakit, hindi pa rin niya binigyang-halaga ang bulalas na iyon ng kanyang ina. Nagpakagumon siya sa trabaho, naghanap pa ng mga bagong kontrata hanggang sa loob pa ng dalawang taon, kilala na ang kanyang machine shop sa Pasay. Isang araw, hindi niya dinatnan ang kanyang asawa at tatlong anak sa bahay.
“Nasaan sila?” usig niya sa katulong.
“Umuwi ho uli sa probinsya. Patawirin daw ho ang inyong ama!”
“Umuwi uli? Bakit, lagi ba sila roon?”
Tumango ang tinanong na katulong.
“May dalawang ulit na hong regular silang nagpupunta roon. Dinadalaw ang inyong matanda.”
May poot na sumiklab sa kanyang dibdib. Nanlambot siya sa galit. Ngunit sa pagkaunawang patawirin ang kanyang ama, nagbalik sa kanyang isip ang masasayang sandali sa piling nito. Nagunita niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.
“Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas, nasa husay, tiyaga at ingat iyan!”
Magdamag siyang hindi mapalagay. Lagi niyang naiisip ang sinabing iyon ng kanyang ama. Kinabukasan, sakay ng kanyang kotse, nagbalik siya sa bayang sinilangan.
“Patay na siya!” bulalas ng kanyang asawang umiyak sa kanyang dibdib.
May nabugnos na moog sa kanyang puso. Nahalinhan ng pagsisisi ang hinanakit. Nilapitan niya ang ina at sa pagkakayakap dito, umiyak siya nang marahan, kasamang nagdadalamhati ang lahat ng himaymay ng kanyang laman.
“Huwag kang umiyak… namatay siyang walang hinanakit sa iyo.” Anas ng kanyang ina.
“Wa-walang hinanakit?”
“Oo, anak… dahil natupad na ang pangarap niya. Nasa itaas ka na. At sabi niya sa akin, pati sa asawa mo… nakatitiyak siya na makapananatili ka roon.”
Nang lapitan niya ang kabaong ng ama at tunghayan ang mga labi nito, parang lumundag ang kanyang puso at humalik sa pisngi ng yumao. Kasunod niyon, nagunita na naman niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.
“Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas. Hayaan mo… tuturuan kita!” paliwanag na ama.
Rading, Paquito, Nelson…tandaan ninyo ang kwentong iyan. Kwento ‘yan namin ng inyong namatay na lolo. Kwento naming dalawa.

No comments:
Post a Comment